TRCI-EA-FFW, bukas sa paggamit ng makabagong teknolohiya!
ni John Paul S. Descalso
Maynila, Pilipinas — Isang matagumpay na social media training ang inilunsad ng Center for People’s Media kasama ang mga rank and file union officers ng The Red System Company Inc., Employees Association (TRCI-EA-FFW) nitong nakalipas na Setyembre 28 hanggang 30, 2018 sa Federation of Free Workers (FFW) Bldg., Taft Avenue, Quirino, Malate, Maynila.
“Habang tumatakbo yung sesyon ng treyning, samu’t sari ang aking nararamdaman, nandun yung galak, pagkabahala dahil yung mga kasamahan naman natin, bagamat sila ay marunong gumamit ng facebook, social media, messenger pero hindi ganun kahasa lalo na sa mga teknikal na pamamaraan,” pahayag ni John Benedict Peneyra, TRCIEA-FFW National President .
“Nagpapasalamat ako sa Center for People’s Media sa pagkakandak ng social media sa amin,” dagdag pa ni Peneyra.
Layon ng training na mabigyan ng dagdag kaalaman at kamulatan ang mga kalahok kung ano nga ba ang social media, at kung paano itong magiging kapaki-pakinabang upang maging daan para makapaghatid ng mga balita at gamitin itong boses ng kapwa nila manggagawa.
“Gagamitin ang mga natutunang ito sa pamamagitan ng social media, susubukan naming lalo pang buklurin, lalong pahigpitin yung pagkakaisa ng mga manggagawa, particularly sa aming union. Through sharing information at update sa mga kaganapan. napakalaking hamon para sa amin ang paggamit ng social media dahil sa kasalukuyan ang aming union, magmula Laoag, Tugeugarao hanggang sa dulo ng Pilipinas, General Santos City hanggang Zamboanga City. Ganun kalawak ‘yung aming union at talaga namang hamon at napakahirap ng pagbabalita at pag update sa mga miyembro namin. Sa tulong nito sasamantalahin namin ang aming mga natutunan at sana maging positibo yung epekto sa amin, lalong mapalakas ang aming union para maharap namin anuman ang balakid o problema mahaharap namin sa hinaharap,” paglilinaw ni Peneyra.
Malaking bagay para sa mga manggagawang ito ang bawat itinuro sa kanila sa bawat sesyon ng programa, hindi hadlang ang edad para matuto, hindi matatakot at hihinto na ipaglaban ang karapatan para sa mga uring manggagawa dahil ika nga nila, ang mga manggagawa ang buhay ng trabaho. Kung walang manggagawa, babagsak ang mga kapitalista. CPM