220 Manggagawa, illegal na tinanggal sa trabaho!
ni Anne Elocin, Elthonjey Parco, Japs Descalso at Diana Navarro
Maynila, Pilipinas — “Union busting ang nangyari dito sa Philip Morris Fortune Tobacco Inc. (PMFTC) dahil ang karamihang tinanggal ay mga miyembro ng unyon!” Ito ang naging paliwanag ni Jessica de Ocampo, Secretary-General ng Philip Morris Fortune Tobacco Labor Union (PMTFCLU) sa ginawang panayam ng Center for People’s Media (CPM).

Si Jessica ay isa lamang sa mga lumahok sa welga para mariing ikondena ang pagterminate ng Philip Morris Fortune Tobacco management sa mahigit dalawang daang regular na empleyado nito. Ayon kay Jessica, walang abiso ang management sa unyon nang magdesisyon itong i-terminate ang kanilang mga union members noong Agosto 8, 2018.
Bunsod nito, agad naghain ng reklamo ang PMFTCLU sa Labor Department kasabay ng pagpa-file ng kanilang Notice Of Strike (NOS) noong August 9, nang sa gayon kagyat itong mabigyan ng aksyon.
At noong katapusan ng Agosto, nagkaroon ng Strike Vote ang unyon kung saan 513 ang pabor na magwelga laban sa kumpanya dahil sa mga magkakasunod na violation nito gaya ng Unfair Labor Practice (ULP), Illegal Mass Dismissal, Illegal Closure at Lockout ng mga planta sa probinsya, at ang Union Busting.
Subalit sa naganap na pagpupulong noong Lunes, Oktubre 1, kaharap ang representative mula sa DOLE, management at unyon, tahasang pinagatawanan ng PMFT management na may basehang legal ang ginawa nilang pagpapatalsik sa mga regular na empleyado at miembro ng unyon.
Sinabi naman ni Rey Almendras, union president ng PMFTCLU-NAFLU, hindi ito ang unang pagkakataong nagbawas ng manggagawa ang kumpanya ng walang notice sa unyon. Aniya, sa kanilang tala, aabot na sa siyamnaraang empleyado ang iligal na tinanggal ng management simula nuong 2015.
“Malinaw ang paglabag sa batas paggawa ng PMFTC management, dahil kami bilang isang lehitimong unyon ang kumakatawan sa buong kasapian at humarap para magkaroon nang Collective Bargaining. Kaya’t handa kaming ilaban ang karapatan ng buong miembro at mananatili kaming nakawelga hanggat hindi pinakikingan ng may-ari na ibalik sa trabaho ang lahat ng kanilang iligal na tinanggal,” pahayag ni Almendras.
Sinang-ayunan din ni Noel Lagmay, Vice President ng PMFTCLU ang naging pahayag ni Almendras. Aniya, kung hindi sila kikilos, posibleng maubos ang regular na empleyado ng kumpanya at malusaw ang kanilang unyon.
“Ang kinakatakot lang namin, baka mangyari nanaman ito. Laban ng isa, laban ng lahat,” dagdag ni Lagmay.
Ang PMFTC sa Lungsod ng Marikina ang pinaka malaking planta ng sigarilyo sa Pilipinas na naitayo nuon pang 1996 at pagmamay-ari ni Lucio Tan na umaakto bilang Chairman ng kumpanya. CPM