ni Jude Sia

Maynila, Pilipinas —Pinangunahan ng Church and Labor Conference (CLC), ang “Martsa ng mga Manggagawa” ngayong Araw ng mga Bayani ang pagtuligsa sa gobyerno hinggil sa usapin ng Kontraktuwalisasyon at Tax Reform for Acceleration and Inclusion o mas kilala sa tawag na “TRAIN Law.”

Nagsimula ang martsa sa Welcome Rotonda, Lungsod Quezon at nagtapos sa Mendiola, Maynila.

Ayon kay Elmer “Bong” Labog,  President ng Kilusang Mayo Uno, kailangan talaga ng mga ganitong pagkilos upang maiparating sa pamahalaan ang pagkadismaya ng mga manggagawa sa mga polisiya ng gobyerno sa usapin ng kontraktuwalisasyon at sa pagsasabatas ng TRAIN law na lalong nagpahirap sa mga ordinaryong mamamayan.

“Dahil sa hindi pagbasura ni Duterte ng mga anti-labor laws at hindi pagtuldok sa usapin ng kontraktwualisasyon, nagrersulta ito sa mas maraming manggagawang nawalan ng trabaho imbis na maging isang regular. Ang matapang at mga maa-anghang na pananalita ng pangulo ay nagpapakita lamang nang kanyang mismong kahinaan at mistulang kayan-kayaning lamang ng mga dayuhan at laluna ng malalaking negosyante,” payahag ni Labog.

Sa pahayag naman ni Fr. Erik Adoviso, isa sa convenor ng CLC,  ang turo ng simbahan batay sa bibliya at sa mga encyclicals, malinaw na mas mahalaga ang tao kaysa capital.

“Nagpupugay ang CLC sa mga buhay na bayani mula sa hanay ng mamamayan tulad ng mga manggagawa, magsasaka, OFWs na nagbubuhos ng dugo at pawis para sa pag-unlad ng tao at lipunan. Pero, higit lalong humirap ang kalagayan ng mga manggagawa at sambayanang Pilipino sa ilalim ng bagong administrasyon,”Ayon kay Fr. Adoviso.

“Ang pagpapahalaga sa katarungang panlipunan, paggalang sa karapatang pantao at pagkilala sa dignidad ng mga manggagawa at mahihirap ay nasa puso ng simbahan ayon na rin sa Santo Papa John Paul II na sinang-ayunan ni Pope Francis. Ang Tao ay mas mahalaga sa pera at kapital. Hindi kailanman maaaring umibabaw ang kapangyarihan ng pananalapi sa dignidad ng tao,” paliwanag ni Fr. Adoviso.

“Nasaan ang pangakong pagbabago at kaunlaran? Bakit lalong nalugmok sa kahirapan at karahasan ang sambayanan? Ayon nga sa pahayag ng simbahan sa usaping panglipunan ang mabuhay ng may dangal ay pagkilala at paggalang sa karapatan (ng mga manggagawa) sa regular na trabaho, sapat na sweldo nang sa gayun ay matugunan ang pangangailangan nila bilang tao – para sa pagkain, pagpapaaral, pabahay at iba pang batayang pangangilangan,” Dagdag pa ni Fr. Adoviso.

Kasama sa mga nagprotesta ang iba’t ibang mga unyon at malalaking pederasyon sa PANGUNGUNA NG KMU, BPM, SENTRO AT NAGKAISA kabilang na ang mga manggagawang tinanggal sa NutriAsia, PLDT, UniPak Sardines at Jollibbe Foods Corporation. CPM

Related Post