Mga Manggagawa sumugod sa NLRC!
by: Raquel Ramos, SOCIALISTA
MAYNILA, PILIPINAS — Humigit kumulang sa 500 manggagawa na kasapi ng Workers Against Contructualization (WAC) na binubuo ng iba’t-ibang samahan ng mga manggagawa ang sumugod sa National Labor Relations Commission (NLRC) noong Hulyo 5, 2018, upang kondinahin ang mabagal na proseso ng mga kaso sa ahensya.
Ayon kay Atty. Jaime Miralles, Pangulo ng Association of Genuine Labor Organizations (AGLO) na isa sa mga kasapi ng WAC, kailangan ng mga ganitong pagkilos upang maipaabot sa NLRC na ang mangggagawa ay diskontento sa kanilang mabagal na pagproseso ng mga kaso.
Isang halimbawa dito ang kaso ng Pizza Hut (Christopher Flores, et al vs. PPI) kung saan taong 2016 pa binaba ng Supreme Court sa NLRC ang desisyon na ipatupad na maging regular sa kumpanya. Ngunit hanggang sa ngayon ay wala pang nagagawang aksyon si Arbiter Samar.
Sabi ni Marilou Alpanoso, isa sa mga ralliyistang manggagagwa mula sa Ponderosa Leather Goods Company, “Andito kami para magbigay ng suporta dahil kami rin ay isa sa biktima ng kanilang mabagal na proseso.”
Nangako ang mga iba’t ibang mga samahang dumalo sa mobilisasyong na muling babalik hanggat di natutugunan ang kanilang ipinaglalaban. CPM