Buhay picket line!
Maynila, Pilipinas — Hindi naging hadlang ang masamang panahon para sa mga manggagawa ng InterArt Metal Wood Products, Inc sa ilalim ng unyong Inter Art Metalwood Products, Inc Workers’ Union – Katipunan ng mga Samahan ng Manggagawa (IMIWU-KASAMA) para idaos ang kanilang general assembly sa kanilang mismong picket line. Ito’y para bigyang update ang kanilang legal na kaso laban sa kumpanya.
Ang pagpupulong ng kabuuang miembro ng IMIWU-KASAMA ay bahagi ng kanilang konsolidasyon para mapanatiling matibay ang pagkakaisa ng mga manggagawa.
Ayon sa abugadong si Ernesto Arellano, tumatayong legal counsel ng pederasyon malaki ang laban ng mga manggagawa kontra sa management ng kumpanya.
“Matibay ang inyong laban, lamang ay dadaan sa pagsubok katulad nito laging may bagyo. Ngunit maliwanag na unfair labor practice (ULP) illegal LOCKOUT at CONSTRUCTIVE DISMISSAL ang ginawa ng management,” dagdag pa ni Attorney Arellano.
Ang welga ng IMIWU-KASAMA ay nagsimula ng Abril 17, 2018 dahil na rin sa hindi pagtanggap ng management na magkaroon ng katapusan ang kanilang ginawang pakikipagtawaran o Collective Bargaining Agreement (CBA) kasama na dito ang usapin kaugnay sa illegal lock-out na isang porma ng Unfair Labor Practice (ULP).
Paliwanag pa ni Attorney Arellano, noong nagkaroon ng Certificatio Election (CE), ang bilang ng mga regular na rank and file employees ng kumpanya na miembro ng unyon ay nasa 126. Subalit makaraang matapos ang CE at kinilala ang unyon, umaabot na lamang sa 105 ang regular na kasapi ng unyon.
“Bago magstrike ay may ilang contractual ang kumpanya na hindi bababa sa tatlumpung katao, ngunit tinanggal ito ng kumpanya pagpasok ng 2018,” dagdag pa ni Atty. Arellano.
Ang InterArt Metal Wood Products, Inc ay dating pinamumunuan nang may-aring si Francisco Villaseñor, subalit namatay ito noong Hulyo 2017 kaya’t ang apat na anak ang siyang pumalit. At ang panganay na anak ni Francisco na si Sancho ang pumalit bilang bagong Presidente ng kumpanya.