DND nagsagawa ng disaster training sa mga kababaihan!
By Jane Vargas, NUBCW
Maynila, Pilipinas — Mga lider kababaihan dumaan sa Disaster Risk Reduction and Management training ng Department of Nationa Defense (DND) sa Camp Aguinaldo noong Hulyo 7 sa Lungsod Quezon . Layunin nitong palawakin ang kaalaman ng mga kababaihan at maging handa sa oras nang kalamidad.
Ayon kay Global Youth Ambassador for Climate Change John Leo Algo, sa oras ng sakuna mas vulnerable ang sektor ng kababaihan, kaya’t nararapat lamang palakasin ang kanilang hanay kung paanong tutugon sa iba-ibang sitwasyon.
“Sa karanasan, malimit na ang mga kababaihan ang naiiwan sa mga evacuation center para mag-alaga ng mga anak, mag-asikaso ng makakain at pangangailangan ng mga pamilya. Ang mga kababaihan at kabataan rin ang madalas na dinadapuan ng karamdaman ito’y dahil na rin sa kakulangan ng malinis na tubig at pasilidad at kung minsan ang ilan ay nakakaranas pa ng karahasan,” dagdag pa ni Algo.
Ipinaliwanag naman ng Department Of Science and Technology (DOST) – Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) kung paano nakikita ang lawak, layo o laki ng isang bagyo maging ang isang thunderstorm kasama na ang pag-Classify dito gaya ng tropical cyclone sakaling makapasok ito sa Philippine Area of Responsibility (PAR). Ang mga datos na maitatala ng kanilang mga instrumento ang siyang nagiging basehan para ilabas ng PAGASA ang mga lugar na posibleng tahakin ng isang bagyo.
Para sa mga dumalong lider kababaihan, malaking tulong ang impormasyon at kaalaman ibinahagi ng mga tagapagsalita lalo na sa paghahanda sa kalamidad. Anila, magagamit nila ang mga natutunan upang maibahagi nila ito sa kani-kanilang organisasyon at komunidad. CPM