Welga ng mga Kababaihang Manggagawa nilusob, 2 sugatan!

MANILA, Philippines — Tatlong beses na nilusob kagabi (Huwebes – 7 Disyembre)  at ngayong madaling araw (Biyernes – 8 Disyembre) ng mga guwardiya at naka-ski mask na kalalakihan ang welga ng mga kababaihang manggagawa sa Cavite ecozone.
Sugatan sina Maricar Orque at Magdalena Peña, parehong manggagawa ng Lakepower Converter Inc., isang Taiwanese-owned electronics company sa loob ng Cavite Economic Zone sa bayan ng Rosario.
Tinamong sugat ng isa sa nagwelga na si Maricar Orquedahil sa pag-atakeng ginawa ng mga guwardiya.

Tinamong sugat ni Maricar Orque, dahil sa pag-atakeng ginawa ng mga guwardiya ng kumpanya.

Sa kuwento ni Mercy Tanginan, Pangulo ng Samahan ng Manggagawa sa Lakepower Converter Inc.,  “Pinagtulungan ng Jantro Security Agency at mga kalalakihang nakatakip ang mukha pero nakasuot ng uniporme ng pulis na hablutin ang mga placards at trapal sa aming picketline. Una silang sumugod noong 7:00 ng gabi, umulit muli bandang 11:30 ng gabi at ang ikatlong pag-atake ay naganap bandang 1:00 ng madaling araw. Nakasakay sa mga motorsiklo ang mga guwardiya, may dalang mga baril at umatras lang nang makunan namin ng mga litrato. Ang isa sa motor na ginamit ay may plakang DA 21752.” 
 
Alas tres ng hapon nang mag-welga ang mga manggagawa matapos na walang kasunduang naganap sa pulong na ipinatawag ng Labor Department.
Hiling ng mga manggagawa, itigil ang tanggalan at suspensyon ng mga opisyal at miyembro ng unyon. Subalit hindi pumayag ang Lakepower Converter Management.
 
“Pumunta din sa picketline ang firetruck ng PEZA at Jantro guards na inuupahan ng PEZA (Philippine Economic Zone Authority). Nagbarikada din ang Jantro sa paligid ng pabrika at itinaboy ang mga manggagawang pupunta sa picketline,” dagdag pa ni Tanginan
 
“Paglabag sa DOLE-PEZA-PNP guidelines ang mga ito. Pananagutan ng PEZA at ni Atty. Norma Tuñag, administrator ng Cavite ecozone, ang marahas na pag-atake sa mapayapang welga ng mga kababaihang manggagawa. Bukod sa tauhan ng PEZA ang Jantro guards, sila ang may kontrol sa lahat ng nangyayari sa loob ng ecozone,” pahayag ni Rene Magtubo, tagapangulo ng Partido Manggagawa (PM) at sumusuporta sa mga kababaihang manggagawa.
 
Ilang buwang nang kumukulo ang diskuntento ng mga kababaihang manggagawa sa Lakepower bunga ng mga pang-aabuso. Nirereklamo nila ang pagtanggal sa pintuan ng banyo upang tiktikan ang mga manggagawa. Gayundin ang mahigpit na patakaran sa pag-ihi na naging sanhi ng maraming kaso ng urinary tract infection. Halos lahat ng manggagawa sa Lakepower ay kababaihan.
 
Ayon kay Magtubo, “Nagbubuo ng unyon ang mga manggagawa upang mapabuti ang kanilang kalagayan sa paggawa. Subalit tinatapatan sila ng walang habas na union busting ng mga kompanya na ayaw partihan ang mga manggagawa ng bunga ng kanilang pagpapawis.” CPM
 
Press Release
December 8, 2017
Partido Manggagawa
Contact Mercy Tanginan @ 09300767018

Welga ng mga Kababaihang Manggagawa nilusob, 2 sugatan!

“Paglabag sa DOLE-PEZA-PNP guidelines ang mga ito. Pananagutan ng PEZA at ni Atty. Norma Tuñag, administrator ng Cavite ecozone, ang marahas na pag-atake sa mapayapang welga ng mga kababaihang manggagawa. Bukod sa tauhan ng PEZA ang Jantro guards, sila ang may kontrol sa lahat ng nangyayari sa loob ng ecozone,” pahayag ni Rene Magtubo, tagapangulo ng Partido Manggagawa (PM) at sumusuporta sa mga kababaihang manggagawa.

Scroll to top