Sa likod ng “Welcome to Jollibee!”

Sulat ni Carl Jason Nebres | Mga kuha ni Micah Rimando
“Walang dakilang lipunan ang naitayo nang walang nauutusan”
– Reuel Molina Aguila “May Katulong Sa Aking Sopas”
Happy Meal, ChickenJoy, FunShots etc. Paano nga ba talaga tayo pinasasaya ng mga ito? Dahil ba ito sa laruang kalakip ng isang happy meal, sa langhap ng malutong na balat ng ChickenJoy, sa masayang kuwentuhang salo ang funshots sa mesa o sa mga ngiting halos walong oras nang bitbit ng mga crew ng kainan?
Marahil, sa apat na kadahilanang ibinigay, pinakamalayo sa ating pananaw ang ikahuli. Sa tuwing kumakain tayo sa isang fastfood restaurant, tutok ang ating mga pandama sa manok o burger na ating nanamnamin. At madalas, hindi natin napapansin ang mga taong nasa likod ng ating kinakain – ang nagprito ng manok, ,ang kumuha ng mga order, utusan kung may kailangan at naghatid ng mga ito sa ating mesa – bitbit nang walong oras ang ngiti sa mga labi. Lingid sa ating kaalaman, sa likod ng mga ngiting ito ang mga pananamantalang kanilang tinitiis maihatid lamang sa atin ang dekalidad na serbisyo ng isang fastfood.
17 taon nang magsimulang mamasukan sa fastfood si Roseann. At gaya ng milyon-milyong mga crew ng mga fastfood chains, pumasok siyang kontraktuwal na manggagawa nito. “Dahil gusto ko na kumita in my own way nag-trabaho ako as fastfood worker at dahil hindi pa rin naman ako makakapag-college dahil di kayang suportahan ng parents ko,” dagdag ni Roseann sa kanyang pagsabak sa mundo ng fastfood. Binibilang niya, at ng ilan libong kontraktuwal na manggagawa ng mga fastfood ang limang buwang tapos ng kontrata, saka hahanap ulit ng trabahong kontraktuwal din. Suwerte na nga raw kung matanggap ulit sa parehong kainan, ngunit madalas ay palipat-lipat ng lokasyon sa tuwing na-eendo. Bagaman sinusugpo ng pamahalaan ang kontraktuwalisasyon, lumitaw naman ang mga agency na kinokontrata ngayon ng mga fastfood chains upang kumuha ng kontraktuwal na empleyado.

Isang karaniwang gabi sa loob ng Jollibee. Kuha ni Micah Rimando.
Bukod dito, lugi rin ang mga fastfood workers sa kanilang buwanang kita. Hindi kasi arawan kundi oras ang bilang sa suweldo ng mga fastfood workers. Ibig sabihin ang minimum wage na itinakda sa Metro Manila sa isang araw na umabot sa 454 pesos ay hahatiin sa walong oras na trabaho, humigit kumulang 60 piso kada oras na pagbabanat ng buto ni Roseann sa loob ng kainan. Sa bawat oras na hindi siya pumasok, kaltas ng 60 pesos sa kanyang suweldo. Ang masaklap pa, kung hindi puntahan ang kainan, pinauuwi ang mga empleyado nang hindi bayad ang natirang oras.
Isang kalokohan din ang walong oras na haba ng trabaho. Sa isang service crew kasi, hindi pa kasama sa walong oras na trabaho ang pag-aasikaso sa iiwanang station at ang pagliligpit kung pasara na. Dagdag dalawang oras ito sa walong oras na pamantayan ng batas. Mabuti sana kung bayad ito, ngunit sa katanuyan, charity kung maituturing ang dagdag na trabaho – hindi ito bayad. Wage theft ang tawag dito, kung saan sinasamantala ng mga kapitalistang tagapagmay-ari ang mga kontraktuwal na manggagawa sa pamamagitan ng charity work na naiaambag nito nang walang bayad. Taong 2015 nang inilunsad ng samahan ng mga manggagawa sa fastfood, sa pangunguna ng SENTRO at APL Youth, ang isang pagkilos kontra-wage theft sa mga manggagawa ng McDonalds. Sigaw nito ang numerong “cuarenta y uno,” ang bilang ng minutong dagdag sa trabaho na madalas lumalampas at umaabot ng 2 oras. Dagdag pa ni Roseann, kabilang din sa mga isyung pang-seguridad gaya ng occupational health at safety ang kinakaharap nila sa kasalukuyan.
“At dahil maliit ang pagtingin sa aming mga fastfood workers sa society, minamaliit ang aming kakayahan at karapatan bilang isang worker,” isang pag-amin ni Roseann sa mababang pagkilala sa kanila. Ngunit, isang paraan ang pagsasama-sama nila upang maiangat ang isa’t isa. “We encourage ourselves to join and participate to a group of people or organization that will educate and help us to voice out our concerns and issues and let the management know the demands of their employees,” dagdag pa niya.
Sa huli, isa ang panawagan ni Roseann – respeto at galang para sa kanilang mga araw-araw na ngumingiti at bumabati kahit na lugi sa ganitong hanap-buhay. “Hangad ko na magkaroon ng pantay na karapatan, pagtingin, at respeto bilang isang tao at manggagawa na naghahanap-buhay nang marangal para sa pamilya at pag-aaral.” Sa panawagang ito nabuo ang isang samahan ng mga manggagawa ng mga fastfood workers sa bansa – ang Respect Fastfood Workers Alliance na binuo sa tulong ng SENTRO at APL Youth. Sa kasalukuyan, isang maliit na organisasyon pa lamang ito, ngunit nagiging aktibo na sa pagbibigay edukasyon tungkol sa karapatan ng mga fastfood workers, maging ang pakikibahagi sa mga usaping umiinog sa paggawa. Sa tulong ng Respect, nakikita ni Roseann ang sarili na magiging tulay upang mabago ang hindi tamang pagtrato sa kanila.
Respect – isang maikling panawagan na may mabigat na dalang pag-asa. Kung tutuusin, payak lang naman ang hiling ng mga fastfood workers. Sa kabila ng pang-aabusong natatanggap, dagdagan pa ng hindi magandang pagtrato sa kanila kung minsan, nananatili silang nakangiti at bumabati sa lahat ng papasok at palabas sa lugar na humihila sa kanila sa kumunoy ng kahirapan. At sa ugali nilang ito, dapat lang na ibigay ang panawagang mabigyang karapatan at respeto sila – bilang mga marangal na empleyado at higit sa lahat – bilang tao.
Bahagi ito ng serye ng Matanglawin tungkol sa kalagayan ng mga batayang sektor para sa darating na pambansang araw ng manggagawa.

Related Post