end ENDO?
ni Czar Castillo/SENTRO News
Ang kontraktwalisasyon ay ang sadyang pagputol sa haba ng kontrata ng isang manggagawa sa kanyang trabaho.
Ito’y ginagawa ng mga kumpanya upang maiwasan na maging regular ang mga empleyado at makaiwas sa anumang dagdag na gastos at benepisyong kaakibat ng pagiging regular nito.
Isa sa mga karaniwang paraan na ginagawa ng mga kumpanya, ang pagkuha sa serbisyo ng isang manpower agency na siyang naghahanap at nagbibigay ng mga trabahador sa mga kumpanya. Sa ganitong paraan, hindi malinaw kung sino ang tunay na employer ng manggagawa.
Ang ganitong porma ay tinatawag na “Labor-Only-Contracting” (LOC) kung saan, ang manpower agency ay walang sapat na kakayahan upang isakatuparan ang pangunahing aktibidad ng kumpanyang kanyang sinusuplayan ng mga manggagawa.
Base sa Department Order 18-A ng DOLE, ang ganitong kalakaran ay ilegal. Ito’y kaiba sa isang lehitimong outsourcing na kung saan, ang contractor ay may sapat na teknolohiya at kapasidad upang mag-supply sa kumpanya.
Lumalala ang suliranin sa seguridad sa trabaho at kita na kinakaharap ng mga manggagawa sa paglaganap ng kontraktwalisasyon. Isang resulta nito ay ang pagkawala ng bargaining power ng mga manggagawa at ang pag-stagnate o hindi pagtaas sa sweldo ng mga manggagawa.
Sa datos ng Philippine Statistics Authority (PSA), noong 2014, mayroong humigit kumulang na 1.3 milyon na contractual o hindi regular na empleyado sa pribadong sektor. Ito’y katumbas ng 30 porsyento ng mga empleyado sa pribadong kumpanya.
Matagal nang isinusulong ng mga manggagawa na wakasan ang kontraktwalisasyon sa bansa. Naging mas malaking usapin ang kontraktwalisasyon matapos maging pangako ito ni Pangulong Rodrigo Duterte na wawakasan noong kasagsagan ng eleksyon o campaign period.
Inatasan din ng Pangulo ang kalihim ng labor department na si Silvestre Bello the third upang gumawa ng polisiya na naglalayong ipagbawal ang kontraktwalisasyon.
At Disyembre ng 2016, umugong ang balitang maglalabas na ng department order ang DOLE subalit hindi ito natuloy dahil sa mariing pagtutol ng mga manggagawa na paboran ng labor department ang ‘win-win’ solution na ipinanukala ng mga employers para manatili ang sistema ng kontrakwal sa bansa.
Pebrero 27, 2017, nakaharap sa isang pagpupulong ng NAGKAISA, samahan ng mga pinakamalalaking unyon ng mga manggagawa sa Pilipinas, kasama na ang ibang unyon, ang Pangulong Duterte na kung saan kanyang pinanindigan ang pangakong wa-wakasan ang kontraktwalisasyon.
Marso 2017, pinagharap ng DOLE ang mga unyon at mga employer para magkasundo sa isang polisiya subalit nagresulta ito sa pag-walk-out ng kinatawan ng NAGKAISA dahil hindi umano sang-ayon sa pinangako ng pangulo ang ilalabas na department order.
Marso 16, 2017, inilabas ni Sec. Bello ang bagong bersyon ng Department Order o ang DO174, subalit napag-alaman ng marami sa mga manggagawa maging ng NAGKAISA na walang silbi ang nasabing DO174, dahil wala itong pinagbago sa matagal nang tinututulan ng mga labor groups. CPM