KASAMMA-CCO-FCCU Panalo vs Coca-Cola FEMSA
Ulat ni Del Bañares/SENTRO news
MAYNILA, Pilipinas – Nagtapos ang mahigit sa dalawang araw na welga ng Kasapian ng Malayang Manggagawa sa Coca-Cola (KASAMMA) sa isang kasunduan sa management ng Coca-cola Femsa Philippines kahapon (22 February).
Kabilang sa nilgadaang kasunduan ng unyon at management ay ang pagkilala ng Coca-cola FEMSA sa labing tatlong arawang manggagawa na boluntaryong nagbitiw mula sa NLU noong kasagsagan ng freedom period, bilang miembro ng KASAMMA-CCO-FCCU at kikilalanin din ng Coca-cola FEMSA ang membership ng dalawang arawang empleyado mula naman sa Bagumbayan Distribution Center bilang kasapi ng KASAMMA-CCO-FCCU.

Sinabi ni Rommel Padua, union president, kundi dahil sa ipinakitang pakikiisa at paglahok ng bawat miembro ng kanilang unyon, hindi nila makakamit ang tagumpay.
Bukod sa kanilang puwersa, nakatulong din ng malaki para ma-pressure ang Coca-Cola FEMSA management ay ang ipinakitang suporta ng iba-ibang grupo gaya ng Federation and Cooperation of Cola Beverage and Allied Industry Union (FCCU), SENTRO ng mga nagkakaisa at progresibong Manggagawa (SENTRO) at maging ang International Union of Foods (IUF).
Ang welga sa planta ng Femsa ay nag-umpisa hatinggabi noong Linggo (19 February), ito’y matapos na balewalain ng kumpaya ang Collective Bargaining Agreement (CBA) negotiation sa unyon.
Matatandaan na noong Nobyembre ng nakaraang taon (2016), nagpatawag ng General Membership Assembly (GMA) ang Federation and Cooperation of Cola Beverage and Allied Industry Union – Sentro ng mga nagkakaisa at Progresibong Manggagawa (FCCU-SENTRO) para talakayin ang panggigipit ng Coca-cola management sa mga unyon na kabilang sa FCCU-SENTRO. CPM