Dalawang empleyado ng Coca-Cola Femsa, sugatan sa welga!
Ulat ni Del Bañares/SENTRO news
MAYNILA, Pilipinas — Sugatan ang dalawang empleyado ng Coca-cola Femsa Philippines matapos na tangkaing buwagin ng management ang isinasagawang welga ng Kasapian ng Malayang Manggagawa sa Coca-cola (KASAMMA-CCO-FCCU) sa Libtong, Meycauayan, Bulakan.
Ayon sa pamunuan ng unyon, ang aksyon ng Femsa management ay isang malinaw na paglabag sa karapatan ng unyon na mag-welga.
Sa kwento ng mga manggagawa, tahimik silang nagsasagawa ng kanilang picket Martes ng umaga (21 February), nang dumating ang isang truck ng Femsa at pilit ipinapasok ito sa planta. Humarang ang mga manggagawa subalit pinilit pa rin nitong paandarin ang naturang truck, dahilan para magtamo ng galos ang dalawa sa may isandaan at tatlumpung manggagawang kasama sa welga.

Ang welga sa planta ng Femsa ay nag-umpisa hatinggabi noong Linggo (19 February), ito’y matapos na balewalain ng kumpaya ang Collective Bargaining Agreement (CBA) negotiation sa unyon.
Matatandaan na noong Nobyembre ng nakaraang taon (2016), nagpatawag ng General Membership Assembly (GMA) ang Federation and Cooperation of Cola Beverage and Allied Industry Union – Sentro ng mga nagkakaisa at Progresibong Manggagawa (FCCU-SENTRO) para talakayin ang panggigipit ng Coca-cola management sa mga unyon na kabilang sa FCCU-SENTRO.
Mula noon hanggang sa kasalukuyan, naging matigas ang posisyon ng management kaya’t wala nang nakita pang ibang paraan ang unyon kundi mag- welga.
Naghayag naman ng suporta hindi lamang ang unyon ng Paranaque at Antipolo City sa Rizal, kundi ang buong kasapian ng FCCU-SENTRO.
Samantala, mabilis namang nabigyan ng paunang lunas ang dalawang manggagawa na nagtamo ng minor injuries bunsod na rin ng sapilitang pagpasok ng FEMSA truck sa naturang lugar. CPM