Makapagluluklok ba ang Pinoy ng Pangulong mala-Duterte at Pacquiao galing sa uri ng manggagawa?
LEARN, sa gulang na 30: Martsa-, takbo-, lundag-pasulong at hindi lamang basta ‘pasulong-kad’ ang kailangan
Ikalawang serye
Ni MARC GUERRERO
PAANO makapagrerebolusyon ang karaniwang Filipino kung ang kumakalam nilang sikmura ay sukdulan ang sakit sa paghihimagsik?
Sa pagpapatuloy ng CPM News Asia serye sa pambansang pagdiriwang ng ika-tatlumpung anibersaryo ng Labor Education and Research Network (LEARN) sa Ateneo University (Nov 28, 2016), handog nito ang nag-uumapaw na pag-asa na sa katuusan ay mapagwawagian din ng manggagawa ang kanyang sarili.
“Marching forward” ang mungkahi ng pananaliksik ng LEARN sa dalawang pinakamalaki at pinakamahalagang mga isyu sa hanay-obrero “kung bakit ganito pa rin tayo:” Una, ang isyu ng “MA AT PA.” “Malay ko” at “pakialam ko” ang ibig sabihin ng Ma at Pa, kung kaya may disunity o kawalan ng pagkakaisa sa sektor ng labor.
Ikalawa, “ANG TAKOT AY NASA ISIP LAMANG” ang pinakamalalang isyu na bumabagabag sa bawat manggagawa, matapang man o duwag, sa pagtatatag ng unyon at kahit na kapag sukdulan na itong naging matatag.
Sa Boy at Girl Scouting man, at gayundin sa Citizens Military Training, may tinatawag tayong “pasulong-kad.” Lakad-pasulong ang kahulugan ng pasulong-kad. Pero hindi lamang basta pasulong-kad ang kailangang gawin ng ordinaryong Pinoy.
Marching forward o sama-sama at magkakabalikat na pagkakapit-bisig at kamay na pagmamartsa sa lansangan at sa pagawaan ang unang dapat gawin ng tao.
Dagdag pa sa pagmamartsa, marapat at matuwid ding magsitakbo-pasulong at magsilundag-pasulong ang bawat Pinoy tungo sa mga ideyolohiya at prinsipyo na mag-aangat sa buhay at kabuhayan ng lahat.

Palagi kong tinatanong ang aking sarili ng reality-check o panggising sa sariling kuwestiyon na una kong isinatitik sa akdang ito.
“Paano ako makapagrerebolusyon kung ang aking tiyan ay nagrerebolusyon sa gutom?”
Bukod diyan, kailangan kong makumbinsi nang husto ang aking sarili sa katotohanang may pakialam ba ako sa aking kapwa.
Pansinin ang ating pamilya at kapitbahayan, gayundin sa mga paaralan, pagawaan at kahit na sa anumang simpleng samahan lamang dito sa bayan ni Juan.
Palagi kong naoobserbahan na kapag hindi ako nasasaktan at hindi sinasaktan ang aking mga mahal sa buhay, okay lang sa alright na mag-Ma at Pa ako sa aking kapwa tao.
Dahil hindi pa ako na-a-apektuhan. Subukan mong salingin kahit na dulo ng daliri ko at kalingkingan (o sabi nga ng mga bata, “hipuin mo ang aking ilong at tainga” o kaya naman ay “sulutin mo ako sa aking puwitan”), matitiyak mong “lintik lamang ang walang ganti!”
Ma at Pa, malay ko at pakialam ko, iyan ang unang sakit ng aking kultura bilang tao.
TAPANG ng loob?
Likas na matatapang ang lahing Filipino mula kina Lapu-lapu hanggang sa makabagong Andres Bonifacio (circa-21 o ika-21 siglo).
Handa silang mamatay, handa tayong mamatay nang dahil sa iyo.
Ang takot ay nasa isip lamang, kung kaya kung magpapadig ang sinumang kababayan sa takot niya sa isip, puso, diwa at pagkilos, tiyak na mababalewala lahat ng matapang na pagsusumigasig sa buhay ng ating mga lolo at lola, nanay at tatay, gayunding ang ating buong angkan.
Naitala ng Philippine National Police (PNP) para sa pampublikong kabatiran na “mula Hulyo hanggang Nobyembre, 2016, humigit-kumulang sa 1,974 ang naiulat o nai-report na bilang ng drug killings sa ilalim panguluhan ni Duterte.
“Drug killings” ang tawag sa walang habas na pamamaslang ng pulisya o bayarang mga haragan man kontra sa mga maliliit at malalaking durugista at narkotrapikista o iyung mga nagtutulak o nagne-negosyo ng mga ipinagbabawal na gamot.
Kung hindi ka user o pusher, o kaya’y hindi ka protektor o konsentidor, at hindi ka sumasama sa mga rumaratrat o nangangalakal ng droga, wala ka dapat problema kesehodang magpatayan man sila nang magpatayan sa lansangan sa ngalan ng pinakasagradong kampanya laban sa droga. Kung pakalat-kalat ka naman sa lansangan, napagkamalan o napagkamalian, o sa hindi inaasahan at hindi sinasadyang pangyayari ay nasa crossfire ka, napagitnaan at napadaan ka lamang sa kamalasan, patay kang bata ka at statistics ka na lang sa lumalalang extrajudicial killings (EJK) dito sa bayan ni Juana.
Napakamura na lamang ngayon ng halaga ng iyong bangkay na katawan:
Ayon kay mersenaryo Edgar Matobato, “sa halagang tatlong libong piso, talu-talo na, at maitutumba na kita.”
Sa panahon ng aking tiyuhing legal eagle at statesman, Prospero A Crescini, parang kalian lang, napag-uusapan ng mga kaluminrayo niyang tulad ng mga liga ng Jose W Diokno, Joker Arroyo, Dakila Castro, Antonio Coronel, Manuel Pamaran at iilan pa, “tinatayang may presyong-sais hanggang dose mil bawat corpus” (o bangkay). Ganyang kamura ang buhay ng tao?, palagi kong naitatanong sa aking sarili. Ngayon, tres mil na lang, sabi ni Matobato.
Kung sa Philippine drug trade ay may 1,974 na naiulat na kaso ng pagpaslang, kapag nangibambakod ang EJK sa hanay ng ibang lumalaban sa karapatan ng tao, sa tantiya ninyo ba ay hindi na lalaki o liliit ang datos ng pambansang pulisya?
Apat lamang ang problema ng Pinoy na ipinaglalaban ng watak-watak na obrero: employment, unemployment, underemployment, ayon sa LEARN sa kanilang studies and researches, at “misemployment,” kung maidadagdag ko pa.
Kailangan ba’ng dumanak ang dugo at magkamatayan dahil ipinaglalaban mo ang buhay at kabuhayan?
Panahon na para makapagluklok ang botante sa susunod na mga eleksyon kund hindi man referendum ng mala-Rodrigo Duterte o mala-Manny Pacquiao na Pangulo na walang sinumang aabalahin sa kanyang panatag na pamumuhay hindi gaya ng mga Marcoses, kung hindi tahasang makikipaglaban at manlalaban para sa karapatang pantao ng lahat ng tao.
Sa bansang Poland, may isang shipyard worker ang naging Cory Aquino ng kanyang bansa. Kapag wala na tayong-Ma at Pa at takot sa isip, malamang sa hindi na magkaroon tayo ng mala-Lech Walesa na maigagalang at maikararangal mo bilang kapita-pitagang puno ng iyong lahi.
THE FILIPINOS ARE WORTH FIGTING AND DYING FOR, ibilin ninyo po iyan sa inyong salin ng lahi.
Email marqguerreiro1@gmail.com#