LEARN: Labor outlook 2016
Unang serye
MANGGAGAWANG FILIPINO:
May mapapala ka na ba’ng katiting na pag-asenso at ginhawa – sa wakas o sa malas?
Dalawang magigiting na ekonomista ang nagpalitan ng pangungulo, isang guro at isang estudyante. Walang bolahan sa isyu ng kabuhayan, ang pangakong tutupdin ng bagong Presidente. Ganito tayo kahirap noon, bakit ganito pa rin tayo ngayon?
Ni MARC GUERRERO
HITIK sa likas na yaman ang Filipinas. Magagaling, masisipag at may-disiplina ang manggagawang Filipino. Malaya ang mamamayan sa usapin ng pamamahala at pananampalataya. Kuwarta, salapi at pera na lamang at kalidad ng buhay ang kulang, magsisiuwi nang lahat ang mahigit 10 milyong Pinoy sa abroad at wala nang magbubuiws ng dugo, pawis at luha na overseas Filipino worker (OFW) dahil masarap maging Filipino at paraiso ang mabuhay at mamatay sa Filipinas.
Flashback, fastforward.
The past, the present, and the future are happening at the same time.
Parang kailan lang.
Tatlumpung taon na pala ang Labor Education and Research Network (LEARN). Masarap suriin at uriin ang Labor Outlook na mabusising sinaliksik ng kanilang Labor Research Institute sa pangunguna nina CJ Castillo at JL Garcia.
Nakapagpapaalala ito sa buod at diwa ng aking mga panulat hinggil sa trabaho, negosyo, ekonomya, tao at kalidad ng buhay noong 1980 at ngayong 2000s.
Noong Eighties, una kong naitala sa isang buong-broadsheet na business decade-ender report, may pamagat na “Economic Turn-around in 1981, If..,” at nailathala sa Philippines Daily Express Banking & Finance Supplement, ang sangkaterbang wish-list ng Pinoy at realidad ng mga panahong iyon. Lumipas ang 33 taon. Ngayong 2014, ganito pa rin ang aking naging tono sa isa pang business report: “Why does the rich become richer, and the poor, poorer?,” ang tema ng aking ulat na inilimbag sa Business sections ng Philippine Daily Inquirer at Philippine Star.
My songs remained the same.
AYON sa pinagkakatiwalaang IBON Databank, na isang batayan ng aking mga ulat, noong dekada-80, “marapat at matuwid na sumahod o kumita ng PhP30,000.00 kada buwan ang isang padre de pamilya upang mabuhay niya ang kanyang asawa at dalawa o tatlong anak.”
Humigit-kumulang PhP3,000.00 isang buwan ang sahuran para sa karaniwang manggagawa noong 1980s, alinsunod sa Minimum Wage Board sa panahon ni Marcos.
Katorse pesos kada araw ang pasulweduhan sa Metro Manila at PhP11.00 per day naman ang minimum wage sa agrikultura.
Mulang PhP8.00 noong 1970s ay naging PhP20.00 sa isang dolyar ang palitan ng piso pagdating ng 1980s.
Samakatuwid, kung pagbabasehan ang pag-aaral ng IBON, kapos ng PhP27,000.00 ang karaniwang suweldo upang mabuhay ang isang pamilyang Pinoy nang marangal, disente at taasnoo kahit kanino.
SA KASALUKUYAN, circa-2010, may average na PhP10,000.00 per month ang pasuweldo sa mga taga-pabrika, pamilihan at karaniwang mga tanggapang pampubliko at pribado, gayundin para sa pinapalad na manggagawa sa mga konstruksyon, bukirin at pangisdaan.
Labing-anim na libong piso ang isinusulong ng organisadong hanay ng obrero hanggang ngayong 2016. Pero pahirapan pang para kang naghahanap ng karayom sa dayami na mailusot ang panukala ng manggagawa upang maisabatas, maisakatuparan at maging ganap.
Samakatuwid, kapos ng mga beinte-mil ang marangal na pagpapatrabaho at pagpapasuweldo alinsunod sa pag-aaral ng IBON noong 1980s.
Sa pagbaba ni Pangulong Noynoy Aquino sa puwesto, nakangingiti kung hindi man lubos na nakatatawang isipin kung tutuusin ang isa pang pagsusuri at pag-uuri ng mismong National Economic Development Authority (NEDA) na nagsabing “kailangang sumahod ng PhP100,000.00 bawat buwan ang karaniwang Pinoy upang mabuhay nang disente.” Sa kitang iyan, ani NEDA, maaari nang makakain ng sapat, may matirhan, makabili ng damit, may maipampaaral, may maipampadoktor, may pang-gas at gasolina, at magkaroon ng aliwan o libangan o bakasyon ang karaniwang kababayan kasama ang kanyang buong pamilya.
Sobra naman ng humigit-kumulang PhP70,000.00 ang pagtatantiya ng NEDA sa naunang mga pag-aaral ng IBON. Pero iyon ang tama at iyon ang sapat. Pero, tiyak na sa pangarap at panaginip lamang ng karaniwang Pinoy maaaring mangyari iyan. Dahil sa PhP50.00 kada araw na economic threshold na tinatawag, hindi ka itinuturing ng mga ekonomista na mahirap o hikahos o maralita o nagdudusa o nakabayubay o nakahampas o nakasubasob ang mukha sa lupa kung kumikita ka o naaabutan ka ng singkuwenta-pesos sa araw-araw na ginawa ng Diyos! Sadyang nakaaaliw at nakababaliw mabuhay rito sa bayan ni Juan, hindi po ba?
Sa mga susunod na serye ay papasadahan pa natin ang Labor Outlook ng LEARN at kaugnay na pag-aaral at pananaliksik ng ibang researchers at research organizations para sa kamulatan at kamalayan ng kabataang henerasyon.
Ngayong Halloween, All Saints Day at All Souls Day, imbes na papairalin pa rin ang “hanap-patay,” ay makabuluhang hanapbuhay ang kailangan ng Pinoy.
Ngayong Haloween, All Saints Day at All souls Day, imbes na papairalin pa rin ang “hanap-patay,” ay makabuluhang hanapbuhay ang kailangan ng Pinoy sa buong mundo.
Email marqguerreiro1@gmail.com#