Lugi daw, Faremo international garment nagsara!

MANILA, Pilipinas — Isa sa pinakamalaking garment factory sa Export Processing Zone Authority (EPZA) sa Rosario, Cavite, nagsara!

Tuluyan nang isinara ng management ang Faremo International Inc., (isang subsidiary nang South Korean Multinational Hansoll) epektibo noong biyernes, ika-dalawapu’t isa ng Oktubre (21) mula sa dating pansamantalang pagsasara nito noong ika-anim (6) nang buwang kasalukuyan.

Ayon sa mga koreanong nagmamay-ari ng kumpanya, matumal at wala na umano ang mga parukyano nito na tumatangkilik sa kanilang mga produkto.

EPEKTO SA MGA MANGGAGAWA

Bunsod nito, agad nag-file ang Faremo International Inc., Workers Association Independent Union (FIIWAIU) ng Notice Of Strike (NOS) para mabigyan ng kaukulang pansin at aksyon sa tanggapan ng Department of Labor and Employment (DOLE).

Bukod sa NOS, ikinasa din ng unyon ang kilos protesta para ganap itong madinig ng DOLE maging ng koreanong nagmamay-ari ng Faremo.

Mga empleyado ng Faremo nagsagawa ng protesta para tutulan ang desiyong pagsasara ng kumpanya
Mga empleyado ng Faremo nagsagawa ng protesta para tutulan ang desiyong pagsasara ng kumpanya.

Ayon kay Nalyn Gutierrez Coronel miembro ng unyon, nasa isang libong (1,000) manggagawa ang mawawalan ng trabaho dahil sa deklarasyon ng kumpanyang isara ito.

Sa nasabing bilang na pawang mga kababaihan, nasa mahigit 800 ang regular habang nasa 100 naman ang mga contractual workers.

Malaki ang paniniwala ng UNYON na isa itong porma ng “UNION BUSTING”, dahil base sa mga nakalap nilang impormasyon, posibleng ang deklarasyong magsara ng Faremo ay isang istratehiya lamang para mabuwag ang unyon at iwasan ang pagbibigay ng anumang benepisyo para sa mga manggagawa base na rin sa kanilang naging sama-samang pakiki-pagtawaran o collective bargaining agreement (CBA) kamakailan.

“Hindi lang mga empleyado ang mahihirapan sa nangyaring pagsasara, kasama na rin dito maging ang aming mga pamilya na umaasa sa amin,” pahayag ni Coronel.

BLACK LISTING

May pangamba naman ang karamihan sa mga empleyado ng Faremo laluna ang mga lider nang unyon na posibleng ipa-black list sila ng Faremo nang sa gayon hindi na sila makapag-apply ng trabaho sa ibang kumpanya na sakop ng EPZA.

“Nabalitaan namin na dalawang kumpanya na nasa EPZA ang may hawak ng aming mga pangalan, ito ang Dong Seung, ikalawa sa malaking garment factory at ang Do First,” paliwanag ni Coronel.

Dagdag pa ni Coronel, hindi lamang pangalan ng mga union members ang nakasulat, kasama din dito ang kanilang mga larawan.

General Assembly isinagawa ng Faremo union para iparating sa mga miembro ang kanilang sitwasyon.
General Membership Assembly (GMA) isinagawa ng Faremo union para iparating sa mga miembro ang kanilang sitwasyon.

Naniniwala ang unyon na posibleng muling magbukas ang Faremo, pero gagamit na ito nang ibang pangalan para makaiwas sa anumang kasong legal. Sakaling mangyari ito, tiyak na ang magiging mga empleyado ng kumpanya ay hindi na mare-regular at hindi na rin matatayuan pa ng unyon.

Sinabi naman ni Wilson Fortaleza, tagapagsalita ng Partido Manggagawa (PM) sisikapin nilang mamagitan kasama ang DOLE at hihikayatin ang pamunuan ng Faremo na huwag isara ang nasabing kumpanya.

Ani Fortaleza, may mga pamamaraan pa upang maisalba ang kumpanya katulong ang mga empleyado nito maging ang mismong unyon.

“Dapat bigyang konsiderasyon ng management na sa pagsasara nito hindi lang mga empleyado ng kumpanya ang apektado kundi kasama na rin dito ang kanilang mga mahal sa buhay”, pahayag ni Fortaleza.

Pero sinabi rin ni Fortaleza na kung hindi epektibo ang pakikipag-usap at tuluyang magmamatigas ang kumpanya, wala silang magagawa kundi itaas ang level ng kanilang campaign.

“Tuloy ang laban , hindi namin titigilan ang Faremo hanggat hindi nakakamit ng mga manggagawa ang nararapat para sa kanila,” pahayag ni Fortaleza. CPM

Related Post