Bakit umuusog ang EJK sa hanay ng obrero?

Sa unang sandaang araw ni Rodrigo Roa Duterte sa pagka-Pangulo, mahigit 3,000  at dumadami pang narkotrapikista ang naitutumba. May naitalang walo sa hanay ng manggagawa na hindi drogista ang napaslang nitong Setyembre 2016 lamang . At ang isusunod na puntirya– ang mga artista, pari o madre, aktibista laban sa buktot na pagmiminahan, pagsasaka, pangingisda at pagsira ng kalikasan, taga-media, politikong hindi pulpol, at ibang kontrapelo sa politika. Malay mo, ikaw na ang next sa matrix ng bagong era ng noong panahon ng Hapon ay binansagang mga makapili?

QUIAPO, Manila, The Philippines (Oct 2016, CPM News Asia):  Umuusad na sa hanay ng mga anakpawis ang walang pakundangan pagpaslang sa mga hinihinalang narkotrapikista pero, sa totoo lang, ay pawang mga karaniwang tao lamang naman.

Nitong Setyembre 2016, iniulat na walo sa hanay ng obrero ang bigla na lamang natagpuang bumulagta sa lansangan  gawa nang hindi pa matukoy na tiyak na kadahilanan.

Isang kababalikbayan lamang na OFW (overseas Filipino worker) ang pinatay sa Tanza, Cavite, dahil pusher daw, pero hindi naman pala, ayon sa pulisya.

Binaril ng tatlo sa bayan ng Albano, Isabela, ang kasakang si Ariel Diaz na pinuno ng Danggayan Dagiti Mannalon ti Isabela at Kilusang Magbubukid ng Pilipinas.

RELATED READ:  Anakpawis denounces killing of peasant leader in Isabela

Apat na iba pang magsasaka sa Fort Magsaysay, Laur, Nueva Ecija, sina  Emerenciana Mercado dela Cruz, Violeta Mercado de Leon, Eligio Barbado at Gaudencio Bagalay, ang tinira ng isang mersenaryo na nakita ng mga saksi na inihulog ng isang helicopter sa kampo.

Sa Talisay Cebu, tinapos ang buhay ng organisador na si Orlando Abangan na kinilalang kaanib ng Partdo Manggagawa.

Sa Maynila, itinumba ang driver ng R&E Taxi na si Edilberto Miralles, dating pangulo ng unyon sa nasabing kompanya bago siya dumalo sa isang pagdinig sa National Labor Relations Commission (NLRC).

May ibang insidente pa ng extrajudicial killings sa hanay ng manggagawa ang nananatiling hindi pa naire-report.

NAGBABALIK ang walang habas na patayan sa Filipinas na ang iba pang tawag bukod sa EJK ay extralegal killings (ELK) at enforced disappearances (ED) na laganap din sa South at Central America noong may cold war pa ang US versus Russia, gayundin sa Middle East ngayon.

Sa unang pagsusuri, ang pinagbabatayan ng mga pagpaslang ay isang hindi tumpak na matrix ng mga awtoridad sang-ayon sa pagtuturo kung sino ang dapat todasin (paris noong world war two) ng mga bagong makapili.  

Nababahala ang mga responsableng magulang na papanoorin ng balita sa Telebisyon ang kanilang mga anak dahil nagkalat ang mga itinutumbang patay sa lansangan sa araw-araw.

Lumang tugtugin ba ito? Hindi.

May bagong sayaw ang EJK sa circa-21 o 21st century. Nakita na ito ng milyong mga baby boomers, ngunit para sa mga milenyal, bagong putahe ito, bagong palabas, bagong uso.  “Sukli ito ng pagbabago.”

Sa sandaang taon ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte sa Malakanyang, mahigit 3,000 katao ang nakatalang patay, dahil pinaghihinalaan silang gumagamit ng bawal na gamot, o sila ay mga couriers, tagapagdala at tagapagpalitkamay ng droga, kung hindi man tagapagbenta, tagapangalakal o kaya naman ay gumagawa o nagpapakete o manufacturer ng narkotiko. Pero buhay ang mga namumuhunan at protektor sa bagong yugtong ito ng narkotrapikismo sa bansa.  

Iginigiit ng pamahalaan na maysala ang mga pinaslang, at wari ay sangakaterbang damuho sa kagunggungan ang mga suspects na habang nakaposas at bantay sarado ay mang-aagaw pa ng baril sa pulisya, manlalaban kung hindi man una silang magpapaputok ng paltik at, siyempre, hindi papayag ang mga alagad ng batas na maunahan sila kaya inuunahan na nilang patayin ang anila’y salarin.

Ang nakapagpapalakas pa sa loob ng pulisya na lipulin ang mga suspek ay ang katotohanang may basbas o pahintulot sa kanilang Commander in Chief (“Ako ang bahala sa inyo”) na paslangin ang mga suspek – labag man sa human rights o karapatan ng tao na hindi idaan sa proseso ng batas at husgado anumang akusasyong kriminal laban sa kanila. Pararangalan pa ng daanlibo o milyong piso ang makasusunod sa mga mapangahas na utos ng Pangulo!  

NAKAPAGPAPAALALA ang makabagong extrajudicial killings sa kasalukuyan sa ilang kaso ng salvaging at ibang paniniil sa karapatan noong araw.

“Salvaging” ang tawag sa EJK noong araw na dapat sana ay isinasalba o ipinagtatanggol ang suspek pero sa katuusan ay sinasalbahe pala ang kanyang pagkatao, pangalan, dangal at reputasyon.

Sandamukal ang kaso ng pagkawala ng at panininiil sa palabang mga tao, matindi sa panahon ng batas-militar, pero mayroon din sa panahon nina Cory Aquino (pambobomba ng tubig-pamataysunog at pamamaril sa mga nagpoprotestang pesante sa Mendiola), Fidel Ramos (malinis trumabaho-aral sa pinsang si Marcos), Joseph Estrada (pambebengga sa mga kalaban sa politika), Gloria Arroyo (paninikil sa mga journalists) at Noynoy Aquino (pambobomba at pamamaril sa mga magsasaka sa Hacienda Luisita).

May dalawang insidente na personal kong nasaksihan.

Nakaupo pa sa  poder si Marcos noon. Uso ang pananakot, pag-aresto na ASSO lang ang warrant (arrest, search and seizure order) at pagpiit nang walang sapat na kadahilanan, pagkawala ng mga tao (deparecidos) at walang puknat na patayan.

May isang binatilyo sa Quiapo, ngalan ay Dado, na laman ng lansangan. Masayahing tao at habulin ng mga babae at bakla, mahilig maglaro at umistambay sa kung saan-saang kanto nang wantusawa ang binatilyo.

Isang umaga, nagisnan na lamang ng mga kaibigan si Dado na nakasabit, nakatali at duguan sa may Quezon Bridge malapit sa palengke, mukhang pinahirapan nang husto (tortured), at walang buhay. “Huwag akong tularan, pusher ako!” ang nakapaskil sa kanyang harapan. Circa-1970s at 1980s iyan…

Sa ginawang iba’t ibang imbestigasyon, lumalabas na may kuya si Dado na tago nang tago at pinaghihinalaang drug pusher ng mga awtoridad. Ang kaso lang, sina Dado at kuya niyang hindi mahagilap ay magkahawig na parang pinaghiwa at biyak na bunga ng kung anumang durian!

Napagkamalan si Dado.  Sino ang nanagot sa krimen? Wala.

Sa panahon naman ng pagiging hepe ng National Bureau of Investigation (NBI) ni Alfredo Lim, hintatakutang dumulog sa press ang aktres na si Monica Herrera. Kinakabahan siya noon sa pagsubaybay ng pulisya at NBI (surveillance) sa kanyang kapatid na lalake na, aniya, ay pinaghihinalaang big-time na tulak ng droga. Napaslang sa mismong bahay niya ang brother ni Monica. Malagim ang sinapit na kamatayan ng kapatid. Pero walang naging matibay na batayan ang matatalim na pangil ng ahensya hanggang sa kahulihan na siya nga ay pader ng mga sindikato ng narkotrapikismo.

Gayundin, nakapagpapaalala ang makabagong EJK sa pagdukot kay Jonas Burgos, farmer na anak ni Joe Burgos ng We Forum, ang mosquito press na naka-dengue sa pamamahala ni Marcos. May Ampatuan Massacre din sa Maguindanao na ikinasawi ng 57 katao, kabilang ang maliliit na manggagawa sa pamamahayag at pag-aabogasya. Wala pa ring nangyayari hanggang ngayon.

Cases were deemed closed, but truth remained at large.

ANG PUNO at dulong diwa ng pag-uulat na ito: Napakasalimuot na isyu ang EJK na walang pagsasaalang-alang sa pagkilala sa karapatan ng sinumang tao na maparusahan sa isang mabigat na pagkakasala na hindi naman niya talagang ginawa.

Iyan ang ihinihiyaw ng katotohanang mahigit sa 60 porsyento ng mga nakapiit sa ating mga pambansa at lokal na koreksyonal ay walang sala, ayon sa opinyon ng taga-Public Attorneys Office (PAO).

Kasalatan sa panustos sa kanilang mga kaso ang tanging rason kung bakit sila nakakulong at nagdudusa kahit na sila ay inosente o walang sala sa krimeng kanilang pinagdudusahan.

Bakit may EJK sa kasalukuyang panahon?

Ang karaniwang matitino, responsable at may pananagutang mga ama na sukdulang wasted o sagadsagaran ang kalasingan o kabangagan sa anumang bisyo, problema o suliranin ay tiyak na magpapanggap o a-akting na nasa normal na kalagayan sa harap ng kanilang mga anak.

Dahil ayaw ng mabubuting ama na matulad ang kanilang mga anak sa kabulastugang kanyang pinaggagawa. Hiyang-hiya siya sa sarili niya kapag naging lipas na ang espiritu sa kanyang isip at katawan.

Hindi kailanman ipinapanukala ng mabuting ama sa kanyang mga anak na kapag hindi mo nakuha ang gusto mo sa kaklase o kalaro ay marapat at matuwid na suntukin mo siya, sikaran mo siya, sipain mo siya o patayin mo siya.

Hindi mo ipapayo sa iyong mga anak na patayin mo ang iyong kalaban at sasabihing: “Anak, bibigyan pa kita ng pabuya, regalo, parangal o pagpapala kapag pinaslang mo ang iyong kaaway!” Pesteng yawa.

Suwabe nga lamang pakinggan at basahin sa English ang “I will kill you!”, pero sa Tagalog, nakapagpapanting ng tainga ang lahat ng kataga at kauri ng salitang pagpaslang o pagpatay sa lahat ng nilalang na may buhay. Huwag mong hayaan na ikaw ang sumunod na biktima.

Email: MarqGuerreiro1@gmail.com

Related Post