300 Empleyado ng Pizza Hut, balik trabaho na?
Maynila – Posibleng balik trabaho na ang mga manggagawa ng Pizza Hut Inc., (PPI) matapos na magsumite ng proposal ang abogado ng kumpanya na si Attorney Carlos Luis Fernandez mula sa Laguesma Magsalin Consulta & Gastardo Law Office, sa naganap na hearing noong nakaraang biyernes (16 Septiember) sa Department of Labor and Employment (DOLE) sa Intramuros, Maynila.
Sa pahayag ni Fernandez, gusto nilang maibalik ang tatlong daang empleyado (300) na apektado nang ipatupad ang “mass lay-off” ng Consolidated Building Management Inc., (CBMI) noong unang araw sa buwan ng Septiembre.
“Syempre masakit din sa aking kliyente (Araneta Group of Company) ang nangyaring mass termination na ginawa ng CBMI, hindi ito inasahan ng PPI, kaya’t kami na mismo ang nagmungkahing ibalik sila sa kanilang trabaho,” Ayon kay Attorney Fernandez.
Sinabi naman ni Attorney Joel Odio mula sa Legal Advocates Workers Interest (LAWIN), may hawak ng kaso ng mga empleyado na miembro ng Pizza Hut Inc., Workers Union (PPIWU), na kanilang pag-aaralan ang proposal.
“Ang offer kasi ng PPI ibabalik sa ahensya ang mga tinaggal sa trabaho habang hinihintay ang desisyon ng Korte Suprema kaugnay ng reklamo ng PPIWU na kilalanin silang lahat bilang mga regular na empleyado. Kaya nag-request ulit kami sa DOLE ng panibagong hearing para detalyehin kung paano sila (manggagawa) babalik sa kani-kanilang trabaho, “ paliwanag ni Odio.
Dagdag pa ni Odio, kailangang masigurong ang mga empleyadong ibabalik sa ahensya ay pansamatala lamang habang hindi pa nailalabas ang desiyon ng korte suprema.
“Maganda rin ang offer ng PPI, at least hindi sila mababakante habang hinihintay ang desisyon sa korte suprema. Pero kailangan lahat ng aming mapag-usapan at mapagkasunduan ay naka-dokumento at pirmado ng magkabilang panig nang sa gayon klaro at may legal na basehan sakaling hindi sila sumunod sa anumang napagkasuduan,” pahayag ni Odio.
Sinabi rin ni Odio na magaganap ang pag-uusap sa pagitan ng PPI management, CBMI at PPIWU sa Huwebes (22 Septiember) dakong alas-diyes ng umaga. Ang PPIWU ay kaanib sa National Confederation of Labor (NCL) at Katipunan ng mga Samahan ng Manggagawa (KASAMA). CPM