Mais ni mang ronnie
Kuwento ni Marissa Yolanda
Bili na kayo ng mais!
Ito ang araw-araw na tinda ni Mang Ronnie sa bahagi ng timog papuntang panay avenue sa Lungsod Quezon.
Hanapbuhay na ni Mang Ronnie ang mais simula pa nuong 1987 o nasa halos tatlumpung taon (30) na niyang pinagkukunan ito ng kabuhayan.
Pagmamalaki ni Mang Ronnie, dahil sa pagtitinda nagawa niyang mapagtapos sa pag-aaral ang kanyang apat na anak.
Sa edad na singkuwenta’y uno (51), bakas pa rin kay Mang Ronnie ang sigla.
Katunayan, isang ehersisyo na para sa kanya ang paglalako sa iba-ibang lugar sa nasabing lungsod. Bukod kasi sa kumikita siya, marami pa siyang nakikilalang mga tao (isa na nga daw ako duon).
Aniya, bagamat mahirap ang magtinda, natutuwa pa rin siya dahil sa araw-araw, kumikita siya ng anim-na-raan (P600.00) labas na dito ang puhunan.
Ngayon kung medyo malakas ang benta, umaabot ito ng hanggang isang libong piso.
Sa maikli naming kwentuhan, nakita ko ang sinserong pagkatao ni Mang Ronnie na itaguyod ang kanyang pamilya sa isang marangal na paraan.
Hindi ko siya (Mang Ronnie) kinakitaan ng anumang pagsisi bagkus mas nanaig sa kanya ang pagiging isang ulirang ama ng tahanan. CPM