10% special assessment na ibinawas ng unyon at GMA management sa mga empleyado ilegal

Kahit may desisyon na ang Department of Labor and Employment (DOLE) tungkol sa reklamo ng mga union members (GMA7 Employees Union- GMAEU) kaugnay ng iligal na pagkaltas ng 10% special assessment sa Collective Bargaining Agreement (CBA) signing bonus at wage increase, hindi pa rin ito ipinatutupad ng mismong pamunuan ng UNYON at ng GMA Management.

Ayon kay Paolo Valero, board member ng GMAEU, Mayo ng 2015, inilabas ng Bureau of Labor Relation (BLR) ang kautusan kung saan inaatasan ang UNYON at GMA management na ibalik ang 10% special assessment na ibinawas sa lahat ng empleyado at miembro ng GMAEU.

Septiembre 2015, naglabas si Attorney Benjo Santos M. Benavidez, Director ng BLR ng Entry of Judgment kung saan pinagtibay ang naunang desisyon at inuutusan ang mga lider ng unyon kasama ang GMA management na sundin ang BLR order noong Mayo 2015, dahil ito’y “Final and Executory.”

Sa Entry of Judgment nakasaad na hindi pinaburan ng BLR ang Motion for Reconsideration (MR) na inihain ng UNYON at GMA management. Ito’y dahil sa kakulangan ng anumang ebidensya na tama at ligal ang pagpapatupad ng 10% special assessment deduction.

Sa BLR Resolution noong 22 Mayo 2015 na may case number na BLR-TR-072415, nakasaad na lumabag sa batas paggawa (Labor Code) ang pamunuan ng UNYON.

Sa Article 241 (g), (n) at (o), Article 222 (b) ng Labor Code of the Philippines at applicable jurisprudence, may tatlong bahagdan na dapat sundin ang UNYON bago ipatupad ang special assessment deduction para sa mga empleyado at union members.

Una, dapat ang resolusyon ay aprubado ng General Membership ng GMAEU kung saan sang-ayon ang mga miembro na bawasan ng 10% special assessment. Ang resolution ay dapat na idinaan sa isang General Membership Meeting/Assembly ng GMAEU at pirmado ng buong union members.

Ikalawa, dapat mayroong ding minutes of the meeting ng pangkalahatang pagpupulong (GA) na ginawa ng union secretary.

At ang ikatlo, dapat may individual written authorization for check-off na pirmado ng mga empleyado at miembro ng unyon na payag silang kalatasan.

“Ako at mahigit sa dalawang daang miyembro ng unyon namin ang hindi pumirma at nagbigay ng check-off sa UNYON at GMA management, pero ganun pa man, hindi namin nakuha ang para sa amin,” pahayag ni Valero sa Center for People’s Media (CPM) News Desk.

Sinabi pa ni Valero, sana makarating sa tanggapan ni DOLE Secretary Silvestre Bello the third at maging kay Pangulong Rodrigo Roa Duterte ang kanilang sitwasyon. Aniya may ilang kawani sa DOLE ang pumipigil para maipatupad ang inilabas na writ of execution.

“Humihingi po kami ng tulong kay Sec. Bello at kay mismong Pangulong Duterte, na sana’y mabigyan ng kagyat na aksyon ang aming matagal nang problema nang sa gayon ung tamang benepisyo para sa amin mga empleyado ay aming mapakinabangan,” pahayag ni Valero.

2013 ng Nobyembre inihayag ng union leaders ang tungkol sa 10% special assessment sa CBA signing bonus at wage increase na ibabawas sa mga miembro. Ito’y bilang negotiation fee para kay Attorney Paterno Menzon na tumayong legal counsel ng unyon para sa 2014-2019 CBA negotiation. CPM

Related Post